Best Friend

Background color
Font
Font size
Line height

Sabi nila ang best friend daw parang kapatid natin galing sa ibang ina.

Oo, alam ko ang corny ng mga salitang yan.

Hindi bagay para sa mga tulad ko.


Kaya uulitin ko...


Marami tayong matatawag na kaibigan.

Pero iilan lang ang matatawag nating "best friend".

At napakaswerte ko dahil nahanap ko siya.

Nahanap ko ang taong matatawag kong best friend.


"Hoy! Ang kupad mo naman," sigaw ko at huminto sa paglalakad.

Paano ba naman kasi napakabagal maglakad ni Viceral.

"Baliw ka ba? Anong gusto mo tumakbo ako habang naka-heels?!" pasigaw niya ring sagot sa akin habang hirap na hirap na maglakad.

Sabagay napakahirap nga namang maglakad sa pababang kalsadang to.

"Bakit ba naman kasi iniwan mo pa yung kotse mo?" saad niya nang makarating na siya sa harap ko.

"Anong gusto mo itulak natin yung sasakyan ko? Nawalan nga ng gas diba?" sarkastikong saad ko naman.

"Ang shunga mo rin naman kasi alam mo namang may lakad tayo ngayon tapos hindi ka nagpa-gas," nakabusangot niyang saad habang inaayos ang pagkakahawak niya sa mga damit na gagamitin niya mamaya para sa pageant.

Nakalimutan ko rin kasing magpa-gas kahapon akala ko naman kasya pa yung gas ko para makarating kami dito. Hindi ko rin naman kasi siya mahihindian kaya nagbaka sakali na lang akong kakasya talaga yung gas ko.

"Sino ba naman kasing nagsabi sayong mag-heels ka na papunta dito?" tinignan ko ang paa niyang nangangatog na sa pagod.

Namumula na rin ang mga ito dahil sa paglalakad namin. Kanina pa kasi kami naglalakad dahil huminto yung kotse ko dun pa sa kabilang barangay bago ito. Tapos wala rin kaming mahanap na bakanteng tricycle, lahat puno dahil sa mga taong gustong pumunta sa fiesta na to at sa pa-pageant nila.

"Sabi naman kasi sayo mag-tsinelas ka muna dahil mabato at pababa yung kalasada nila dito." sa lahat-lahat naman kasi ng barangay nasasalihan niya, dito pa sa barangay na to. Napakahirap ng daan.

"Nakalimutan ko nga kasi yung tsinelas ko." sagot naman niya at napaupo na lang sa gilid ng kalsada.

Medyo malayo-layo pa ang lalakarin namin para lang makaabot sa court nila kung saan gaganapin ang pageant.

At mula dito nakikita ko na na mahihirapan lang si Vice sa paglalakad pagpunta dun.

Kinuha ko sa kaniya ang mga damit at gamit na gagamitin niya mamaya sa pageant habang minamasahe niya ang kaniyang mga paa.

"Sakay!" saad ko at inilahad ang aking likod.

"Ano?" tanong niya at tumayo

"Sabi ko sakay. Bilisan mo na bago magbago ang isip ko." muling sabi ko at pinasan na siya.

"Siguraduhin mo lang na manalo ka mamaya para malibre mo ko, kabayaran dito." saad ko habang pasan-pasan siya sa aking likod.











Pagkarating namin sa venue nila ay ang dami nang tao. Nandun na rin ang mga iba pang mga kandidata.

May mga ilan na pinagtitinginan kami samantalang itong pasan-pasan ko ay iba naman ang tinitignan.

Nang sundan ko ang tingin niya ay nakita kong tinitignan niya ang magnobyong naglalampungan sa harapan namin.

Kandidata din ito sa pageant at ito nga ata yung nabalitaan naming batak na batak na sa pageant. 


"Gusto ko din ng ganun," bulong niya.

"Baliw, gusto mo yun? Eh, nandito naman ako, mas di hamak na gwapo naman ako dyan," biro ko at kinurot niya naman ang leeg ko.

"Galingan mo!" sabi ko nang maingat ko siyang ibinaba.

"Wala ka bang bilib?" pabirong saad niya at nilapit ang mukha niya sa akin.

Pansin ko namang pinagtitinginan na kami ngayon kaya pinalibot ko ang aking mga bisig sa kaniyang bewang.

"Bilib na bilib" nakangiting sagot ko at hinalikan ko ang kaniyang noo bago siya pumasok sa tent kung saan sila magbibihis.







Nang nagsimula na ang pageant ay sinigurado kong nasa harapan ako, pero hindi sa pinakaharap. Dun lang sa bandang makikita niya ako pero hindi ako makukuyog ng mga  kasama ng ibang kandidata.


Nakakatakot kasi sila. Halos magsuguran na, para lang mailaban at maipakita yung suporta nila sa kanilang kandidata.


Nang maglabasan na ang mga kasali sa pageant ay nagsigawan na ang lahat.

"Go number four!" sigaw ko

Pinagtinginan naman ako ng mga tao na para bang may mali akong ginawa.

"Kuya name po ng candidate or yung nire-represent niya pong barangay yung sinisigaw dito, hindi po number." ani ng batang katabi ko.

Malay ko ba. Sa basketball naman ganun ang sinisigaw nila. Tsaka sa basketball naman kami nagkakilala ni Vice nung kalaro ko pa siya, ka-teammate kung baga.

Ngayon lang naman siya sumali sa ganito.

"Ang ganda mo Miss Tambunting!" sigaw ng isang lalaki sa harapan namin.

Tambunting?

Si Vice?

Pumapapel naman to. Inunahan pa kong best friend.

"Go Misis ko!" sigaw ko naman at binuklat na ang banner na may picture at pangalan niya na kanina ko pa hawak-hawak.

"Misis naman pala," bulong ng batang katabi ko na tila ba kinikilig.

Nakangiting tumingin naman sa akin si Vice na agad ko namang kinindatan.












Nang manalo siya ay sobrang tuwa ko nabuhat ko pa ang batang katabi ko na todo rin ang suporta sa amin.

Nang maibigay na sa kaniya ang korona ay agad akong tumakbo sa stage para yakapin siya.

"Oh, bilib ka na ba?" masayang biro niya habang magkayakap kami.

"Bilib na bilib, misis ko," saad ko at hinalikan siya sa kaniyang pisngi. 

Sinamaan ko naman ng tingin ang kandidatang nakikipaglampungan sa boyfriend niya kanina. Bumingo na kasi ito sa akin nang muntikan na niyang patirin si Vice.













"Saan mo na ko ililibre nyan?" tanong ko habang pasan-pasan siya sa likod ko at bitbit ko ang heels at iba pang mga gamit niya. Dahil parating palang ang kotse kong pinakuha ko kay Jhong para mapalagyan ng gas.


"Kahit saan mo gusto, libre ko." sagot niya.


"Pares tayo," suhestyon ko na agad naman niyang sinang-ayunan.





Tulad ng nakasanayan namin noon tuwing nananalo kami sa mga tournament o paliga ay dumidiretso agad kami sa paresan na to para mag celebrate.

Sino nga namang mag-aakala na yung kaibigan kong kasama kong mag-basketball noon ay reyna na ngayon.

"Gandang-ganda ka na naman sa akin," saad niya na agad ko namang tinawanan.

"Sira! Naisip ko lang ang tagal na pala nating magkaibigan, straight ka pa magkaibigan na tayo hanggang ngayon." ani ko habang ihinahaij na sa amin ang mga order namin.

"Sinong nagsabi sayong naging straight ako?" nakataas kilay niyang tanong.

"Parang nung nakaraan lang kasama pa kitang mag-basketball ngayon may korona ka na." nakangiting saad ko.

"Bakit nagbago na ba ang tingin mo sa akin ngayon?" medyo kinabahan naman ako sa biglaang pagseseryoso niya.

Simula nung nalaman kong bakla siya, wala namang nagbago sa samahan namin. Dahil kahit ano pang kasarian niya, siya pa rin naman ang best friend ko. At kahit ilang dekada man ang dumaan magiging mag- best friend pa rin kami.

"Syempre hindi. Mula noon hanggang ngayon reyna pa rin kita." saad ko at nilagyan ng tubig ang baso niya.

"Dapat lang," nakangiting nakakaloko niyang sagot.









Siya ang best friend ko na sasamahan ko mapa-basketball man o pageant.

Pero hindi lang naman kami magkasama sa saya at pagdiriwang. Magkasama rin kami sa lungkot.







"Sabi naman kasi sayo masama na kutob ko sa lalaking yun," inis na saad ko.

"Oo na, tama ka na nga," sagot naman niya habang ginagamot ang kamao ko.

"Hindi mo naman kasi kailangan sapakin yung tao," saad niya pa.

"Hindi kailangang saktan? Eh, sinaktan ka nga niya," sagot ko

Napaaray naman ako nang diinan niya ang bulak sa bandang labi ko.

"Pumutok na lahat-lahat yung labi mo, nagkasugat-sugat yung mga kamao mo, pero gigil na gigil ka pa rin sa kaniya." saad niya at muling maingat na ginagamot ang labi ko.

"Itong mga sugat ko, gagaling to. Pero yung galit ko sa panloloko at pananakit niya sayo, hindi yun mawawala," walang sino man ang pwedeng manakit sa reyna ko.

"Tama na nga iyang galit mo, daig mo pa ko. Sino ba sa atin ang niloko, ha?" biro niya pero kahit ganun ay ramdam ko pa rin ang sakit na naradamdaman niya. Mas malala pa sa mga sugat ko at sa mga sugat na natamo ng lalaking yun.

Kahit pa madurog ang mukha nun, kulang pa sa pananakit niya sa best friend ko.





Sa lahat ng break up na naranasan namin, magkasama kaming dalawa. Kaming dalawa lang naman ang nagdadamayan. Kaming dalawa ang magkasangga sa lahat.


"Brad mahal ko talaga siya," ani ko habang pinipigilan ang pagtulo ng aking mga luha.

Kumuha pa ko ng isa pang beer sa pagbabaka sakaling malunod ko sa alak itong nararamdaman ko.

"Tama na nga yan, nakakailang bote ka na." saway naman niya.

"Mahal ko talaga siya, brad," muling saad ko at hinayaan siyang yakapin ako.


"Kung ako kasi ang jinowa mo, edi sana di ka nagpapakalunod ngayon sa alak," biro niya na tinawanan naman naming parehas. 


Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil sa kaniya.










"Vhong, hindi ba ako kamahal-mahal?" umiiyak niyang tanong. Kanina pa siya walang hinto sa pag-iyak. Paano ba naman kasi, iwan na naman siya ng boyfriend niya.

"Para ka namang hindi nag-iisip nyan. Syempre kamahal-mahal ka." saad ko at pinunasan ang mga luha niya.

"Pero bakit niya ako iniwan?" muling tanong niya habang humihikbi. 

Agad naman akong tumayo para bigyan siya ng tubig. 

"Kasi tanga siya. Wala siyang isip." sino ba namang matinong tao ang iiwan ang best friend ko para sa iba?

"Alam mo, hindi naman siya kawalan. Iyakan mo ngayon, tapos palitan mo bukas." saad ko nang maibigay ko na sa kaniya ang tubig at tissue na pamunas sa mga luha niya.

"Paano kung siya na yung huling lalaking tatanggap at magmamahal sa akin?" 

"Nandito pa ko. Iwan ka man nilang lahat, nandito pa rin ako. Hinding-hindi kita iiawan." ani ko at niyakap siya. Hinalikan ko ang kaniyang noo bilang tanda na hinding-hindi ko siya iiwan.






Wala akong masyadong kinakatakutan sa mundo, maliban na lang sa masaktan si Vice, masaktan ang best friend ko. Grabe kasi tong magmahal, purong-puro, buong-buo at natatakot akong mabasag siya ulit dahil sa pag-ibig.






"Paano kung hindi na ko makahanap ng tulad niya?" tanong niya habang prente kaming nakaupo ngayon sa kotse ko, nagpapahinga pagkatapos mag-basketball.


"Edi magpasalamat ka kay Lord at di ka na niya hahayaang makahanap ng gagong tulad ng ex mo," sagot ko at inayos ang aking pagkakaupo para makasandal ako ng maayos.

"Ito naman, parang timang na kausap." ani niya at sinaman ako ng tingin.

"Totoo naman kasi, kung di ka makakahanap ng tulad niya, ang tawag dun blessing," blessing naman talaga na di makahanp ng taong lolokohin lang siya.

"Paano ako makakahanap ng bago kung lahat sila ayaw mo, tapos harang ka pa sa lovelife ko," saad niya at sinungitan na naman ako.

"Gusto ko kasing makahanap ka ng taong mamahalin ka sa totoo, yung pagmamahal na deserve mo. Gusto ko makahanap ka ng tanggap ka at ipagmamalaki ka, hindi yung itatago ka na parang sekreto. Yung tratratuhin kang reyna, tulad ng pagtrato ko sayo." natahimik naman siya sa sinabi ko.


Ilang minuto rin kaming nabalot ng katahimikan pagkatapos nun. Nakatitig lang siya sa akin na para bang may malalim na iniisip.



"Paano kung hindi ako makahanap ng ganun?"  pagbasag niya sa katahimikang bumabalot sa amin.


"Edi ayos lang, nandito naman ako. Ako na magmamahal sayo." saad ko at muli na naman siyang natahimik.

"Ito naman parang lugi ka pa ah," biro ko at tumawa.

"Basta kung ano mang mangyari pwede naman tayong magsama hanggang sa huli tapos gawin natin lahat ng plano at pangarap natin na magkasama," muling saad ko at nginitian siya.

Dahil yun din naman ang plano ko, ang isama siya sa pagtupad ng mga plano at pangarap naming dalawa.







Pero pagkatapos nun, may nalaman akong isa pa sa kinakatakutan ko. 


Ang mahalin siya.



Natatakot akong mahalin siya higit sa pagiging kaibigan kasi baka hindi ko mapangatawanan. Natatakot ako na baka masira lang kung anong meron kami, ang pagkakaibigan namin.



Natatakot akong mawala siya sa akin.



"Sa tingin mo mararanasan ko kayang ikasal?"tanong niya habang tinitignan ang altar.

Kakatapos lang kasi ng huling misa at kami na lang ngayon ang nandito.

"Oo naman," sagot ko at tinignan siya. Hanggang ngayon ay nakatitig pa rin siya sa altar at nakangiti. Siguro ay iniimagine niya ang kasal na pangarap niya.

"Gusto ko nakaputing gown ako tapos blonde yung hair ko. Tapos yung groom ko naman, naka white suit rin. Tapos white  rose yung flowers na hahawakan ko." nakangiting saad niya habang sinasabi ang mga gusto niya sa kaniyang kasal.

"Tara subukan natin," saad ko at hinila siya sa may altar.

Kumuha ako ng tissue mula sa bag niya at ginawa itong bulaklak.

"Ito ang flowers mo," ani ko at inabot sa kaniya ang ginawa kong bulaklak.

"Tamang-tama pala na nag white tayo ngayon," saad naman niya at napatingin naman ako sa mga damit namin.

Naka simpleng white na dress siya at blond ang buhok niya ngayon samantalang naka white polo shirt naman ako. Medyo malapit na sa gusto niyang kasal.

"Sabi naman kasi sayo, pwede nating gawin ngayon, saktong-sakto," natatawang saad ko


Ginawa namin kung anong mga nakikita namin sa mga kasal na nadaluhan namin at sa mga pelikulang napapanood namin. Pati mga vows namin na nagpatawa at nagpaluha sa amin ay sinabi na rin namin, at ang lahat ay natapos sa "I do".








Ganito ang gusto kong maging ending ng storya namin. Yung matupad ko ang lahat ng pangarap at plano naming dalawa nang magkasama.






"Hoy, bakit late ka?" tanong niya at pilit na magsungit-sungitan.


"Traffic kasi, sorry na," sagot ko naman at bumeso sa kaniya. Alam ko naman kasi kung gaano kaimportante sa amin ang araw na to.

"Pumuwesto ka na," ani niya at inayos ang neck tie ko.

"Napakagwapo nga naman, oh," saad niya pa bago pabirong halikan ang tukling ng aking ilong.


Nakangiti naman akong lumakad papasok ng simbahan dahil dun.




Nang makapasok na ako ay unang pumukaw sa atensyon ko ang mga white rose na gustong-gusto niya. Sa kabilang banda ay kita ko rin ang ilang decorations na bagay rin sa puting dress na suot-suot niya. Napakaganda niya. Bagay na bagay sa kaniya ang suot niya.



"Magsisimula na po," nang marinig ko ang sigaw na yun ay agad akong pumunta sa harap ng altar, sa aking pwesto. 


Nang buksan na muli ang pintuan ay napangiti na lang ako sa ganda niya. 

Habang naglalakad siya patungo sa akin ay kinakanta ang kantang napag usapan naming dalawa. Ilang beses namin pinagtalunan at pinag-usapan kung anong kanta ang nababagay sa okasyon na to. Syempre gusto namin yung espesyal sa aming dalawa.


Hindi ko mapigilang maluha kasi ito na, matutupad na ang isa sa mga parangap naming dalawa.






Nang makarating na siya sa harap ko ay agad kong hinawakan ang mga kamay niya.

"Thank you and I love you," saad niya at hinalikan ang aking pisngi















"You're welcome," sagot ko bago ko ibigay ang kamay niya sa taong kaniyang papakasalan.





Nang lumakad sila ay dun ko na pagtanto na ito na nga siguro ang ending ng storya namin. 



"I love you," bulong ko at pinunasan ang luhang kumawala sa aking mata. Ito ang una at huling beses na masasabi ko ito, kaya kahit pabulong ay hahayaan ko na lang na tangayin ito ng hangin at hilingin na ito ay makarating sa kaniya, sa taong labis kong mahal at patuloy pa ring mamahalin. 



Natupad ang kasal na gusto niya, sa simbahan at araw na gusto niya. Suot ang damit na pinapangarap niya dala-dala ang bulaklak na paborito niya, habang kinakanta ang kanta naming dalawa. 



Natupad ang gusto naming dalawa,  ang makahanap siya ng taong mamahalin siya ng totoo, yung pagmamahal na deserve niya. Yung gusto kong makahanap siya ng tanggapin siya at ipagmamalaki siya, hindi yung itatago siya na parang sekreto. Yung tratratuhin siyang reyna.




 Kaya lang ang taong yun ay hindi ako.




Ito ang role ko sa storya niya, ang mahalin siya bilang best friend niya.



















Author's Note:

Miss me? HAHAHAHAHA

Sorry na agad. Sorry din about dito pero promise hindi naman to masyadong masakit HAHAHAH




You are reading the story above: TeenFic.Net