Chapter 2

Background color
Font
Font size
Line height


Halos isang dekada na ang nakakaraan nang una akong magulantang sa isang bagay na nakita ko sa TV-ang palasyo ni Michael Jordan! Biruin mo, posible pala sa mundo na magkaroon ang isang tao ng bahay na may tournament-size tennis at basketball court sa bakuran. At gulat na gulat na ako sa lagay na 'yon, hindi ko alam na halos pangkaraniwan na lang pala ang mga gano'ng karangyaan sa mundo ng mga sikat at mayaman.

Dahil kung ikukumpara sa bahay ng TV producer na si Aaron Spelling, sisiw pa pala ang bahay ng batikang basketbolista. Mas malaki ang bahay ni Spelling. Meron itong sariling sinehan, doll museum, gymnasium, Olympic-size swimming pool, bowling alley. skating rink, six gardens, 12 fountains, four bars, three kitchens, at garahe para sa labing-anim na sasakyan. Walangyang bahay! Sa sobrang laki pwede nang gawan ng sariling time zone. Pero katulad ng sinabi ko, pangkaraniwan lang ang mga ganyang bahay sa mga makapangyarihan.

Dahil ang bahay naman ni Bill Gates, na kinikilala ngayon bilang "Most Intelligent House, ay nagkakahalaga naman ng $55 million dollars. Ang mga taong pumapasok dito ay binibigyan ng electronic PIN na dini-detect ng sensor sa bawat sulok ng bahay. Sa ganitong paraan, naise-set ng bisita ang mga appliances na gusto nyang automatic na aandar pag pasok nya ng anumang kwarto. Para nga naman hindi na sumakit ang mga buto nila sa pagsasagawa ng nakakahingal na trabaho gaya ng pagpindot sa mga feather- touch remote control.

Nakakalula talaga ang bahay ng mga sikat. Isipin mo, kwarto na "club" ang dating, kusina na parang hotel lobby. bakuran na may sinehan, at kubeta na mukhang cathedral. Maski yata si Kamatayan hindi makakatapak sa mga bahay na 'yon nang walang I.D. Minsan iisipin mo rin, anong klaseng trabaho ba meron ang mga taong 'yon para kumita ng ganoon kadaming pera? Parang gusto kong mag-apply sa kanila ng trabaho...kahit man lang bilang anino.


Sa ipinalabas na listahan ng Forbes ng mga pinakamayamang tao sa taong 2002, pumupwesto sa bandang gitna si Lucio Tan sa net worth na $1.7 billion. Ibig sabihin, pwede s'yang magpagawa ng tatlumpung "Intelligent Houses," at meron pa syang sukli. Magbigay ng 1,147.50 pesos sa bawat Pilipino. Mag-text nang mag- text walang tigil sa loob ng isangdaan at apatnapu't-pitong siglo.

Bumili ng 45.9 metric tons ng shabu. Gumawa ng pelikulang "Jose Rizal" nang walongdaan at limampung ulit. Bilhin sa halagang $1,603,773.58 ang bawat pares ng sapatos ni Imelda Marcos. Ipakasal sila Jackie Ejercito at Beaver Lopez nang anim na libo at walongdaang beses. Magpasweldo ng apatnapu't-dalawang dosenang koponan ng PBA sa loob ng limang taon. At bilhin lahat ang winning combinations ng lotto para manalo ng jackpot nang anim na raan at limampu't-anim na beses Kung uubusin mo ang pera n'ya sa loob ng isang araw, dapat kang gumastos ng 983,700 pesos kada segundo.

Kung pagpapatung-patungin ang $1 bills n'ya, hihigitan nito nang 768 na ulit ang taas ng Philippine Bank of Commerce sa Makati. Matatakpan ng 162 na ulit ang land area ng Megamall. At aabutin ang isang tao ng dalawampu't-anim na taon para maisalansan lahat ito sa sahig. Pero kung inaakala mong kay Lucio Tan ko isasanla ang kaluluwa ko, nagkakamali ka. Dahil kahit na tumubo pa ng 100% ang pera n'ya kada taon, kailangan nya pa ring maghintay ng tatlong dekada para mahigitan ang kasalukuyang net worth ng pinakamayamang tao sa planeta-si Bill Gates.

(Note: Sa limang minutong iginugol mo sa pagbabasa nito, nadagdagan na naman ng $17,525.65 ang kaban ng kayamanan ng dating CEO ng Microsoft.)

(Second note: Magdasal ka para labanan ang demonyo. Alam ko ang iniisip mo sa mga sandaling ito...malaking pagkakasala 'yan sa Diyos!)

Ibinalik na pala ang Superfriends sa TV, pero Justice League na sila ngayon. At bawas na sila. Marami nang superheroes ang nawala. Laid-off. Kung kelan mas kailangan ng mundo ng mga tagapagligtas.

Hindi ko gusto ang Justice League. Lalo na ang X-Men. Solid ako sa Superfriends. Walang iwanan. Ang alam ko kasi dati, caucasian si Green Lantern. Pero sa Justice League, African-American na sya. Ano 'yun- lokohan? Pwede bang maging itim ang dating puti? Sino ang susunod na magpapalit ng lahi at magkakakulay, si Benjamin Franklin? Nakasama rin pala sa cast si Hawkgirl. Pero nasaan si Hawkman? Inilagay na ba sa arrozcaldo? Kaya lang naman nagkaroon ng Hawkgirl e dahil may Hawkman. Sumama na ba si Hawkman kay Robin na isa pa ring missing in action? Sino na lang ang magbibigay ng mga bagong damit, relo, at sapatos kay Batman ngayong wala na si Robin? At sino ang nag-vote off kay Aquaman? Sino pa ang aasahan natin ngayon na magliligtas sa mga hipon na pinagsasamantalahan ng mga balyena? Nasaan na ang
Wonder Twins? Ano na ang nangyari kay Apache Chief? At higit sa lahat, bakit nila pinaalis sa grupo ang kaisa-isang Asian superhero na hindi ko nga alam ang pangalan?! Nasaan ang justice at equality doon??? Bubuo lang sila ng grupo ng mga best of the best, sablay pa! Pero kung sa bagay, mahirap nga 'yon. Dahil mismong yung mga imaginary super humans na ginawa nila e may problema.

Tignan mo: Bakit halos lahat ng lalakeng superhero e naka-tights? Bakit kailangan nila ng kapa? Bakit nasa labas ang briefs nila? At anak naman ng tiyanak, bakit hindi sila gumamit ng brief na ayos pa ang garter para hindi na nila ito sinturunan? 'Yan ang problema ng mga western superheroes na napansin yata at iniwasan na ng mga Hapon nang sila naman ang gumawa ng mga kathang-isip na tagapagligtas. Sa una pa lang, inisip na nila na kung magta-trabaho ang kanilang superheroes bilang isang grupo, importanteng meron silang prescribed uniform.

Pantay-pantay sila, walang magsusuot ng kapa at aastang hari tulad ni Superman. Walang may bitbit na sidekick tulad ng Robin ni Batman. Walang amoy asin tulad ni Aquaman. At walang Mr. & Mrs. na kakain ng dalawang paycheck tulad nina Hawkman at Hawkgirl. Nung una e puro nakaitim lang at parang laging makikipaglibing ang mga Japanese superheroes, pero naisip yata nila na kakailanganin ng bawat isa ang pangalan.
At magkakakila-kilala lang sila sa ilalim ng uniform at maskara (o helmet) kung meron silang palatandaan sa kasuotan. Doon nila naisip na mag-color coding: red, green, blue, yellow, at pink. Eureka! Two-birds in one stone. May sarili na silang identity dahil sa kulay, may sarili pa silang
pangalan. Dadagdagan lang ng "noun" ang "color," superhero na sila. Halimbawa: Blue Lion, Pink Ranger, Red Star, Yellow 4, at Green Joke. Sa ganitong paraan, maiiwasan nila ang mga limitado at gasgas na pangalan na mabubuo sa mga salitang Super, Wonder, Mighty, Man, Woman, Girl, Boy, at Dog, na paborito naman ng mga kanluraning bansa.

Pero hindi pa tapos! Dahil di tulad ng mga puti, may value-added service lagi ang mga Hapon. Sa oras ng matinding pangangailangan, pwedeng magsama-sama ang limang superhero para bumuo ng isang higanteng robot na kayang pumuksa ng mga higanteng kuto, linta, bagoong, biskwit, at alikabok. Mismo. Hindi lang 'yan, dahil bago sila makipaglaban, lagi silang may formation. Haharap sila sa camera para sa ritual na group photo opportunity, parang pang-class picture.

Alam na nila kung sino ang pupwesto sa kanan, kaliwa, gitna, taas, at baba, at kung sino ang mag- i-split, sisipa, tatalon, susuntok, at susungayan sa ulo. Systematic. Very organized. Ang nakikita ko lang na kahinaan ng Japanese superheroes e lagi silang nakaasa sa mga subtitles at voice talent na magda-dub sa mga sinasabi nila.

Pero okay lang 'yun. Idol ko pa rin sila. Dahil kahit sa mga anime, mas okay ang costume nila Eugene na parang laging a-attend ng rave party, kesa kila Superman na parang laging a-attend ng aerobics class. Walang-wala ang mga 'Kano sa imahinasyon ng mga Hapon. Tignan mo na lang si Astroboy.

Sabihin mo- SINO-sa buong kasaysayan ng Amerika-ang superhero na may machine gun sa pwet? Wala. Kung may kinalaman ito sa trauma ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig e hindi ko alam, pero sigurado akong hindi koipagpapalit si Astroboy sa sandosenang Justice League.

Kung magiging superhero ako, gusto ko maging tulad nya. At kung kakapusin man ako ng lakas, papapanoorin ko lang ang mga kalaban ko ng possessed na video ni Sadako, na magiging dahilan ng kamatayan nila pagkalipas ng isang linggo!


You are reading the story above: TeenFic.Net