TeenFic.Net Stories that stay with you ♥

Panimulang Salita

Sa bawat titik na isinulat, ay may damdaming nangingibabaw. Sa bawat taludtod, ay may guniguning dumadalaw. Ang koleksyong ng mga tula, maikling kwento at nobelang ito, ay bunga ng malawak, tahimik na pagmumuni-muni, masidhing damdamin, at malikhaing pananaw sa mundo ng mga manunulat. Ang bawat pahina'y salamin ng karanasan, pangarap, at pananalig na isinatitik upang bigyang halaga ang malikhaing imahinasyon sa pagsulat nito. 

Ang mga tula, maikling kwento at nobelang mababasa rito ay mga orihinal na likhang isinulat pa mula sa kaibuturan ng puso ng mga mag-aaral mula sa BSED FILIPINO 3 ng North Eastern Mindanao State University - Tandag Campus. Sa paggawa ng kompilasyon na ito, ay mahalagang bigyang-halaga ang etika sa panitikan, ang paggalang sa karapatan ng may-akda, at ang pagiging tapat sa pinagmulan ng bawat ideya. Ang panitikang totoo at makabuluhan ay hindi lamang sumasalamin sa katotohanan kundi iniuukit din ito nang may pananagutan. 

Kung ikaw ay tagalikha rin, nawa'y maging paalala ito: na ang sining ay isang responsibilidad. Huwag magnakaw ng damdamin o imahen ng iba; sa halip, paunlarin ang sariling tinig. Sapagkat ang tunay na akdang makabuluhan ay hindi lamang kagandahan ng salita, ito'y katapatan din ng diwa. 

Hangad naming maipadama ang lalim ng karaniwang sandali, at maisabuhay ang lakas ng salita. Maging liwanag nawa ito sa mga pusong naghahanap, at maging paanyaya sa sinumang gustong tumula at sumulat ng mga katha na magpakatotoo, magpaka-dalisay, at magpaka-makata.

You are reading stories on: TeenFic.Net