*7*

Background color
Font
Font size
Line height

“Pitong Segundo”

Tahimik na pinagmamasdan ang iyong maamong mukha
Nang biglang nanginig ang iyong katawan, tumunog ang makina
Nag-aalala, nababahala, tibok ng puso’y nagkakarera
Hindi ka mawawala, alam kong lalaban ka.

Isa, aking binabalikan ang ating nakaraan
Hindi ko inakalang ito ang kahahantungan
Dalawa, tuloy ang agos ng luha sa aking mga mata
Pinilit ngumiti, umaasang iyong makikita.

Tatlo, mga panahong masaya pa tayo
Panahong inangkin natin ang mundo
Apat, unang beses na ang mga labi’y naglapat
Nagtama ang mga mata nang ito’y imulat.

Lima, noong akala mong walang nakaalala sa iyong kaarawan
Isang malaking surpresa ang hindi inaasahan
Anim, ang tamis ng iyong ngiti, walang katumbas
Ang yakap, halik at halakhak na wagas.

Pito, hawak ko ang kamay mo, mga luha’y tumutulo
Umaasang babalik ka, hindi susuko at tutupad sa pangako
Ngunit nang tumuwid ang linya, tila tumigil ang mundo
Tumigil ang tibok ng iyong puso sa huling pitong segundo.

You are reading the story above: TeenFic.Net