Chapter Two

Background color
Font
Font size
Line height




           

GUMAGAPANG sa pagsusulat ng lovescene si Martina. It's been five years since PHR published her first bok, pero nangyari iyon pagkatapos ng dalawang revision. Ang maganda kay Martina, malakas ang fighting spirit niya, hindi siya sumusuko, kaya nga ang motto niya, 'Whatever Martina wants, Martina gets', kaya pagkaraan ng nakamamatay na proseso ng rewrite at revise, nakuha rin niya ang approval ng board.

            Isa na siyang legit PHR author. At pagkaraan pa ng limang sunud-sunod na releases, na sa palagay niya ay bumenta naman, ipinatawag siya ng Big Boss ng nasabing publication. She was offered a ten-year contract. Exclusive. Sa labis na kasiyahan, hindi na niya binasa ang mga probisyong nakapaloob sa kontrata, agad siyang pumirma, inisip na baka magbago pa ang isip ni Sir Jun. Ang mahalaga  sa kanya, kasama na siya sa roster ng PHR authors.

            Siyempre dahil exclusive contract writer siya, wala nang returned manuscripts, pero halos lahat namang ipinapasa niya ay ibinabalik for revision. Dahil ayon sa kanyang editor, nawawala umano sa kanyang mga libro ang pinakamahalagang sangkap ng isang nobelang romansa.

            "Dear, you are writing about two people in love. Maging realistic ka," payo ng kanyang editor. "And hello, wala na tayo sa stone age, hindi na pwede 'yang hawak-kamay lang na ganyan." Saka maluwat siyang pinagmasdan ng editor, at napapangiti itong muling nagsalita. "Virgin ka, ano?"

            Mabilis ang sagot ni Martina. "Ay, opo."

            "Sabi ko na," dugtong nito. "Pero alam mo, Martina, hindi naman kailangang mawala ang pagka-birhen mo para makapagsulat ka ng ka-feel-feel na lovescene. Writer ka. You know what I mean? Pakawalan mo lang ang imahinasyon mo."

            "Nanonood na nga ako ng mga porn films, e." May tatlong bombang palabas siya sa kanyang CP, mga two years ago pa niya na-download. Paulit-ulit niyang pinapanood, kung hindi sa kanyang kwarto ay sa loob ng CR. Kaya lang kapag pinapanood niya, kinakabahan siya at natatakot na baka may makakita sa kanya. At sa tagal na niyang binabalik-balikan ang tatlong bold na ito ay halos mermoryado na nga niya. Mula sa kung kalian maghuhubad ang couple, kung kalian kakainin ng lalaki ang katawan ng babae, kung kalian naman papapakin ng babae ang kuwan ng lalaki, kung kalian ang penetration at kung kalian ang ejaculation.

            "'Yon naman pala," ngiti ng editor. "Ano ang nararamdaman mo?"

            "Nasusuka ako."

            "Gaga. Hindi ka nag-iinit?"

            "Nag-iinit."

            "'Yon! Isulat mo."

            Sa unang try niya, nagkabali-baligtad ang lovescene ni Martina. Paghalik pa lang ng lalaki, sumabog na. Balik siya sa sermon ng editor. "Well, although may ganoon naman talaga. May mga lalaki naman talagang sobrang excited, hindi pa binobola bumibinggo na. Pero hindi iyon ang kailangan natin, Martina. Dapat mahaba ang romansa. Paturo ka kay Google ng foreplays and afterplays. O kaya kay Mandy Lei. Magbasa ka ng Red Room."

            Nagbasa siya ng Red Room ni Mandy Lei, pero sa simula pa lamang ay gusto nang masiraan ng bait ni Martina.

            "Ganoon talaga isulat 'yon, Ms. Van?" tanong niya sa isa pang sikat na writer ng PHR. Nagkita sila sa office at nagyaya si Ms. Van ng meryenda. Pumasok sila sa isang sweet parlor, at nag-order ng cake at kape.

            Mabait si Ms. Van. Accommodating at parang handa naman magbigay ng munting kaalaman sa mga baguhang tulad ni Martina. Napansin lang niya, parang may sariling restawran si Ms. Van, at parang wala itong pakialam malugi man ang negosyo.

            "Sa romance hindi gano'n," sagot ni Ms. Van. Halos maubos na nito ang cake samantalang wala pa sa kalahati si Martina. "Sa romance, swabe lang. 'Yong tipong kikiliti lang sa readers. 'Yong magpapainit lang sa kanila."

            Marami pang ibinigay na tips sa kanya si Ms. Van, at lahat ay tinandaan ni Martina.

            Kaya nang muling ipadala niya ang for revision na manuscript, gusto siyang bigyan ng party ng kanyang editor. "Nadale mo!" wika nito sa telepono. "Ganoon dapat."

            Pero sa isip ni Martina, walang kaalam-alam ang kanyang editor sa dusang pinagdaanan niya mabuo lamang ang sex scene. Kung alam lang ng kanyang editor na halos mabuang siya sa dami ng gabi na ginugol niya para lamang maisulat iyon.

            "It took me a week, mabuo lang ang lovescene na 'yan," amin niya sa kanyang editor.

            Tumawa ang babae. "Mag-boyfriend ka kasi. At ang isang linggo mo ay magiging isang upuan na lamang."

            Isa pa 'yan, 'yang boyfriend na 'yan. Twenty seven na siya at sobra nang nagtataka kung bakit hindi pa siya nagkakaroon ng boyfriend. Pero paano nga naman siya magkakaroon ng boyfriend, e, swear to God, wala talagang nanliligaw. Hindi pa naman siya umaabot sa puntong pinagdududahan na niya ang kanyang sarili, dahil malinaw naman sa kanya ang preference niya—lalaki ang kailangan niya. Lalaki na ang ilap-ilap.

            "Walang magkamali, e," sagot niya sa editor.

            "Tigilan mo ako, Martina."

            "Peks man, talagang wala."

            "E, di maghanap ka."

            Gustong masindak ng dalaga. "Gano'n?"

            "Sabi ko sa'yo, wala na tayo sa stone age," paliwanag ng editor. "Huwag kang magpakabulok, darling, hanapin mo siya."

            "Hindi ko magagawa 'yan."

            "Kung gano'n, forever na magiging parusa sa'yo ang pagsulat ng bedscene. Siyempre, ibang-iba 'yong nagsusulat ka na may pinaghuhugutan."

            Tama naman ang kanyang editor, mas ramdam kung naranasan na ng isang writer ang bawat eksenang inilalagay niya sa kwento, ysa mga haka-haka lang at nababasa. Pero sa totoo lang, gusto naman talaga ni Martina na magkaroon na ng kasintahan. Sa totoo lang, nangingitim siya sa inggit kapag nakakakita ng sweet na sweet na magnobyo na magkasamang nagsisimba o kaya namamasyal. Gusto niyang maluha sa inggit kapag si babae ay pinu-protektahan ni lalaki sa loob ng tren, o kaya pagsakay sa jeep.

            Twenty-seven na siya pero wala pang lalaking nakakahawak sa kanyang kamay. Sana lang, bago mapudpod ang kanyang mga daliri sa kaka-type ng manuscript ay mapisil na ito ng gusto niyang lalaki. Ang kanyang mga labi, malambot naman, mapula naman, pero bakit parang hindi iyon nakikita ng mga lalaki?

            Ang kanyang buhok, mahaba. Sa kakapusod, nakulot. Dati naniniwala siya na ang buhok ang nagsisilbing korona ng isang babae. Pero lately lang nang ilaglag niya ang paniniwalang iyon.

            Ang kanyang boobs? Naman, mapapahiya ang nagpapadedeng nanay sa kayamanan ng kanyang dibdib. Pero ngayon, parang ayaw nang maniwala ni Martina na isa sa mga atraksiyon ng babae ay ang kanilang boobs.

            She has good pair of legs, too. At dahil nga halos hindi na siya naaarawan ay para nang stainless ang kanyang mga binti. Kaya lang, aminado si Martina, hindi naman nakikita sa labas ang kanyang legs. Lagi kasi siyang nakapantalon. Nag-palda naman siya minsan, kaso napagkamalan siyang miyembro ng isang sekta kaya hindi na siya umulit.

            Ang katawan ni Martina ay, well, konting kembot pa at maghuhugis-gitara na. Siguro sa kauupo nang mahabang oras kaya lumapad ang kanyang balakang at lumiit ang kanyang beywang. Twenty-five lang ang kanyang waistline at kaya niyang gawin iyong twenty kapag nakahanap siya ng inspirasyon.

            'Yon na nga, materyales pwertes naman siya—at isa pang manunulat!—pero ang masakit na katotohanan ay single pa rin siya.

            Hindi naman mataas ang standard niya pagdating sa pagpili ng magiging nobyo. In fact, ngayong ganito ang sitwasyon, papatusin siguro niya kahit isang construction worker. Ang importante mahal niya at mahal siya. Pero ang pinakamahala—may boyfriend siya.

            Pero sa isiping magkakaroon siya ng mason na boyfriend, gusto nang bumahing ni Martina.

            Huwag naman, Lord, apela niya, huwag mo naman ako bigyan ng isang lalaking amoy semento. Siguro OK na sa akin ang pulis. Kahit PO1, solve na ako do'n.

            Pulis talaga? Why not? Hangang-hanga si Martina sa katikasan ng mga pulis, lalo na kapag nakasuot ng field service uniform o 'yong tinatawag na black tropical fatigue. Lalaking-lalaki. Machung-macho.

            Pero turn-off siya sa mga bundat na pulis. Parang tamad tingnan. Parang corrupt tingnan. Dapat athletic at dapat flat ang sikmura. 'Yong may abs, Lord, para lubos ang ligaya.

            Kaya lang, paano naman siya makakakilala ng isang pulis—o kahit na anong klase ng lalaki—kung nagmomongha siya?

            One day, magku-krus din ang landas namin.

            Naalala niya ang sinabi ng kanyang editor, Hanapin mo siya.

            Ano kaya ang ibig sabihin ng kanyang editor, rumampa siya sa mga estasyon ng pulis o magpaskil ng isang patalastas sa Camp Crame?

            Anu't-anuman, naniniwala si Martina na hindi naman siguro siya aabutin ng treinta at magkaka-boyfriend na siya. Pag nag-treinta siya at wala pa, saka na siguro siya kikilos. Pero ngayon, steady muna siya, sulat-sulat muna. OK lang na gumapang sa paggawa ng lovescene, nakakaraos naman.

            Bumalik sa ginagawang lovescene ang atensiyon ni Martina. Sa totoo lang, unruly ang kanyang hero at nahihirapan siyang isampa ito sa katawan ng kanyang heroine.

            Hindi kaya bakla ang tarantadong ito, o virgin din? Naitanong ng natitigilang manunulat. Binalikan niya ang background ng kanyang hero: isang seminarista, unico hijo at mama's boy. Baka nga talaga Sanggre ang hayup na ito.

            Nakangiting nilinga ni Martina ang kanyang pamilya. Para na naman itong mga bangkay na nilusob ng mafia. Ang kanyang tatay, nakanganga. Pero kahit sa pagtulog, sweet ang tatay niya, yakap nito ang kanyang ina. Ang kanilang bunso, kawawa naman, parang tinamaan ng kidlat.

            Nakadama ng pagkahabag sa kanyang mga mahal sa buhay si Martina. Hanggang ngayon ay hindi pa sila nagkakaroon ng isang disenteng tahanan. Kahit nga ang maliit na kwarto niya ay parang bartolina kaya ayaw niyang doon magsulat. Pero sabi ng kanyang nanay, magpasensiya muna sila at ipapaayos ang kanilang bahay kapag nag-retire na ito. Pangkain lang kasi nila ang kinikita ng kanilang ama. Pero hindi naman sila masasabing pobre. Kumakain sila ng masarap. Kapag weekend, siya ang taya at halos mag-piyesta sila sa masasarap na pagkain.

            Nag-iipon siya, pero hindi niya iyon pinapaalam sa magulang. Darating ang araw, matutupad ang pangarap ng kanilang bunso na magkaroon sila ng bahay na may hagdanan.

            Bumalik sa ginagawa si Martina. Inisip niyang kulang na kulang pa talaga ang kanyang skills para patakbuhin ang kanyang lovescene. Unruly ang kanyang bidang lalaki, para namang tanga ang kanyang heroine na tinalupan na at lahat pero parang wala pa ring maramdaman.

            Puro kayo abnormal.

            Tumunog ang kanyang cellphone.

            Iniwan ni Martina ang parang mga paralitikong tauhan saka kinausap ang kanyang caller. "Hi, Weng!" bati niya. Ka-barangay niya si Weng, supervisor ng isang call center, dating ka-klase at isang kaibigan.

            "'Oy, ang ganda ng bago mong book," ani Weng. "Nag-enjoy ako."

            "Naku, salamat naman." Maliban sa kanyang editor, kritiko rin niya si Weng. Sinasabi nito ang mga hindi magagandang bagay sa kanyang libro. At kapag sinabi ni Weng na maganda at nag-enjoy ito, talagang well-written ang kanyang nobela.

            "Konting push pa, friend, sa lovemaking."

            Patay na. Akala niya flawless and faultless na pero heto si Weng, ipinamumukha sa kanya ang malaki niyang problema. Anong konting push pa ang sinasabi ng kanyang kaibigan, e, sagad na 'yon.

            "Bakit, hindi mo naramdaman?"

            "Naramdaman naman—bitin lang."

            "Tama na 'yan, magkasya ka na d'yan at 'yan ang kaya ko." Bahagya rin siyang tumawa. Katulad ng kanyang editor, hindi rin alam ni Weng ang hirap na pinagdadaanan niya kapag nagsusulat siya ng lovemaking. Kung maka-order kayo, akala n'yo ang dali-dali.

            "'Oy, friend, nagkita na kayo ni Ezra?"

            Nagulat si Martina. Bigla ang rehistrasyon ng pangalan sa kanyang isip. "Si Ezra, 'yong basagulerong kapitbahay namin dati? 'Yong nakulong?"

            "Oo, 'andiyan siya sa barangay natin kanina. Nagkita kami."

            "Ibig sabihin, nakalaya na siya?"

            "Ewan ko ba pero mukhang hindi naman siya bagong laya," kwento ni Weng. "'Oy, heto ha, ang gwapu-gwapo niya. Mukha siyang artista—"

            "Tse!" agaw niya sa pangungusap ng kaibigan.

            Hindi na nga siya nagkaroon pa ng balita kay Ezra simula noong gabing tumawag ito sa kanya. Ang huling impormasyon niya, ibinenta ni Aling Lorna ang bahay at hindi na rin nila nalaman pa kung saan din ito nagpunta.

            Inaamin ni Martina, nalungkot din siya sa sinapit ng mag-ina. Ibig sabihin nagkahiwalay ang mga ito. Nakulong si Ezra at siguro nagpakalayu-layo naman si Aling Lorna.

            Marami namang pagkakataon noon na nakitaan niya ng bait si Ezra, 'yon nga lang talagang habulin ng gulo kaya madalas napapaaway. And in all fairness, may hitsura naman talaga ang lalaki, kaya lang mas lumulutang ang katarantaduhan nito kaysa kaguwapuhan.

            Pero saan ka, consistent ito na batiin si Martina. Kaya lang, ang tawag niya sa pambabati ni Ezra ay kung hindi pambubuska,e, pambu-bully. Kapag napapadaan siya sa plaza at nagbabasketbol naman doon sina Ezra, bigla itong haharang sa daraanan niya, babatiin siya ng 'Hi, Tinay' saka anyong ipapasa nito sa kanya ang bola. Siyempre pang gigil na gigil si Martina.

            Minsan naman, madadaanan niya ito sa kalye at nagka-cara y cruz, gustong pahipan sa kanya ang mga barya para daw maging pula. Kapag minumura niya, sasabihin na lang nito, 'Pa-kiss na nga lang!'. siyempreng puputok ang tawanan at lalong parang gusto niyang pumatay ng tao. Sa bilyaran ganoon din. Kapag napapansin siya, tatakbo ito para harangin siya at gusto siyang tumbukin ng tako.

            "Ku, baka nga kursunada ka lang ni Ezra," sasabihin sa kanya noon ni Weng.

            "Weng, kung siya lang—hindi na lang," ingos niya. "Wala akong mapapala sa kanya, and besides, hindi ako gumradweyt para lang dumampot ng isang tambay, 'no?"

            Minsan isang gabi habang nagsusulat siya, ginulantang siya ng mga kalabog mula sa kapitbahay. Dumating pala si Ezra na lasing. Ewan ni Martina pero baka hindi nito mahanap ang pagkain kaya binasketbol ang mga kaldero.

            Sa totoo lang, masama talaga ang ugali ni Ezra. Kaya kahit pa—well, totoo naman ang sinabi ni Weng—gwapo naman talaga ito, e, mas nangingibabaw ang walanghiyang ugali.

            He was his mother's nightmare, at minsan lumuluha itong nagku-kwento sa kanyang ina.

            "Lagi siyang galit sa akin," ani Aling Lorna. "Hanggang ngayon, sinisisi niya ako kung bakit kinuha ko pa siya sa kanyang ama. E, husgado ang nagdesisyon na sa akin siya mapunta."

            Mula sa ina, nalaman ni Martina ang totoong kwento ng mag-ina. Si Aling Lorna pala ay naging labandera sa isang mayamang pamilya. Kagaya ng mga naisulat na niyang kwento, ginapang ng amo si Aling Lorna hanggang sa mabuntis.

            Isinilang si Ezra. Nabuking ang relasyon ng maid at master. Nagwala ang baog na asawa ng master, pinalayas si Aling Lorna. Pero ilang linggo, hinanap si Aling Lorna ng mag-asawa at pilit kinuha ng mga ito si Ezra. Dahil halos wala naman talagang maitustos sa pangangailangan ng bata si Aling Lorna kaya napilitan itong na ibigay si Ezra dahil, alam nitong hindi magkukulang ang kanyang baby. Ganoon pa man, pagkaraan ng apat na taon, lumitaw si Aling Lorna sa tahanan ng dating amo. Binabawi si Ezra. Ayon kay Aling Lorna na kabababa lamang mula sa tatlong taong paninilbihan sa abroad, may sapat na umano itong pondo para mapalaki ang anak.

            Siyempre hindi pumayag ang mag-asawa. Humingi si Aling Lorna ng legal assistance sa DSWD at nakarating sila sa korte. Anim na buwan lang ng paglilitis at ibinaba ang desisyon ng hukuman—sa ina mapupunta si Ezra.

            Pero ayon kay Aling Lorna, matinding adjustment ang pinagdaanan ni Ezra bago tuluyang napakalma sa ina gayundin sa kanilang lugar. Sa isang eksklusibong subdibisyon kasi namulat si Ezra samantalang housing project lang ng gobyerno ang kanilang lugar. Hindi naman masasabing eskwater dahil may kanya-kanya namang papel ang mga lupa. 'Yon nga lang, sa asal, walang pinag-iba sa mga taga-eskwater ang ugali ng karamihan sa kanilang ka-barangay.

            Iyon ang kwento. Iniisip ni Martina na na-frustrate nang husto sa buhay si Ezra kaya lumaking galit sa mundo. Hindi nagkaroon ng interes sa pag-aaral, at tingin niya, nawalan ito ng pangarap sa buhay.

            Hanggang sa makulong.

            Pero sabi ni Weng, nakita nito kahapon. Ibig sabihin, nakalaya na talaga. At mukha raw artista? Napangiti si Martina. Si Weng, kung minsan, OA naman talaga. Makakita lang ng may matangos na ilong, mukha nang artista.

            "Sayang nga hindi kami nagkausap," untag ni Weng mula sa kabilang dulo ng linya. "Nagmamadali kasi ako. At siya naman, para ngang artistang pinagkakaguluhan ng dati niyang mga ka-tropa."

            "Siyempre, bagong laya, natural kakamustahin," katwiran niya.

            "At parang ang bait na niya."

            "Sus, naniwala ka naman?" argumento ni Martina. "Normal 'yon. Bagong laya, siyemnpre magbabait-baitan para ipakitang nagbagong-buhay na siya. Pero tingnan mo ha, pagkalipas lang ng ilang araw at babalik ang dati niyang ugali."

            "Ewan, parang wala akong sasabihing magugustuhan mo tungkol sa kanya."

            "Weng, we were neighbors. Sa ating dalawa, ako ang mas nakakakilala sa kanya."

            "Well, I guess, you should be happy dahil sabi mo nga nakalaya na ang dati mong kapitbahay."

            Hindi naman masamang tao si Martina. Happy naman siya para kay Ezra. Sana muling magkasama ang mag-ina. At sana nga, may nagawa ang limang taon sa loob ng kulungan para mabago ang ugali ng lalaki.

            "Martina?"

            "Yes, Weng?"

            "Dayoff ko bukas."

            "Ngayon?"

            "Bukas nga."

            Napatawa ang dalaga. "Aabalahin mo na naman ako," pasaring niya.

            "Mag-bonding tayo."

You are reading the story above: TeenFic.Net